POGO hub sa Subic ni-raid: 2 Chinese timbog, 18 nasagip
SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines — Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng mga otoridad ang isang umano’y ilegal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa Subic Bay Bay Freeport Zone na kung saan dalawa ang naarestong Chinese nationals habang 18 Tsino rin ang nasagip sa operasyon kamakalawa.
Sa isinagawang pagsalakay ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at SBMA law enforcement, bitbit ang search warrant laban sa establisyemento na POGO na kung saan ay may mga ulat na umano’y mga paglabag katulad ng human trafficking at cybercrime activities.
Kinilala ang dalawang naarestong sina Bao Go at A Hai habang 18 Chinese nationals naman ang nasagip na sinasabing biktima rin ng naturang POGO scheme.
Nauna rito ay nagsagawa muna umano ang mga operatiba ng surveillance kaugnay sa nagaganap na aktibidad sa nasabing POGO saka isinagawa ang pagsalakay bitbit ang warrant ay inisyu ni Presiding Judge Melani Fay Tadili ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 97.
Bagama’t hindi pinangalanan ang POGO na sinalakay ay maihahalintulad umano ito sa ilang mga POGO establishments na nauna nang sinalakay ng mga otoridad na ‘di hamak na mas maliit umano ang operasyon.
Ang naturang POGO ay hindi nakarehistro at ilegal din diumano ang operasyon na nasa loob lamang ng isang villa house.
- Latest