Pulis, person of interest sa panloloob sa 2 jewelry shops
MANILA, Philippines — Kabilang ang isang pulis sa persons of interest sa pagnanakaw sa dalawang jewelry shops sa Barangay Ermita, Cebu City, kamakailan.
Ito ang inilahad ng special investigation task group (SITG) na nilikha upang imbestigahan ang kambal na pagnanakaw matapos madiskubreng ang hinihinalang getaway vehicle ay pagmamay-ari ng isang police master sergeant na naka-assign sa Metro Manila.
Naka-leave ang nasabing pulis nang salakayin ng mga kawatan ang Macy’s Gold and Silver Jewelry Store at DGC D’ Gold Chain and Jewelry Store noong Agosto 8.
Ayon kay Police Lt. Col. Maria Theresa Macatangay, tagapagsalita ng SITG na ang pulis ay isa lamang sa persons of interest sa kaso.
Narekober ang hinihinalang getaway vehicle, isang silver at gray Mitsubishi Adventure, noong Martes ng gabi sa Barangay Paknaan, Mandaue City.
Nadakip ng Carbon Police Station at Mandaue City Police Office ang driver ng SUV na kinilala bilang si Marcial Ponesto, tubong-Lanao del Norte at residente ng Barangay Pagsabungan, Mandaue.
Ang SUV ang parehong sasakyang sinakyan ng grupo ng kalalakihan matapos ang pagnanakaw base sa security camera footage.
Natukoy na ang apat sa mga suspek na kapwa miyembro ng Mindanao-based Parojinog Robbery Group at pinaniniwalaan namang nasa Cebu pa ang dalawa sa mga suspek.
- Latest