Kelot tiklo sa P41.3 milyong shabu
MANILA, Philippines — Isang drug suspek ang naaresto sa buy-bust operation at nasamsam ang nasa 6,080 gramo ng shabu (methamphetamine) na nagkakahalaga ng P41.3 milyon sa Barangay 35, Bacolod City nitong Martes.
Kinilala ang naarestong suspek na si John Philip Dellomo, alyas “Tol,” 28, mahaharap sa kasong selling and possession of illegal drugs, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni Capt. Glenn Soliman, hepe ng Regional Police Drug Enforcement Unit, ito ang pinakamalaking single drug haul na nasabat sa Western Visayas ngayong taon.
Inaresto rin ang kanyang ama na si Lauro Ceralvo Dellomo, 52, at kapatid na si Barangay 35 chief tanod Ronel Mawa Dellomo, 36, para sa obstruction of justice nang tangkain ng mga ito na pigilan ang mga otoridad na makadaan patungo sa bahay ni John Philip.
Anang opisyal, nagsagawa sila ng surveillance operations kasunod ng intelligence information na sangkot si John Philip sa pagbebenta ng droga.
Nalambat si John Philip nang iabot niya ang 50 gramo ng shabu kapalit ng P60,000 buy-bust money noong Martes ng gabi.
Narekober kay John Philip ang 6,080 gramo ng shabu, ang P60,000 buy-bust money, isang cellular phone, at digital weighing scale.
Ani Soliman, sinabi ni John Philip na habang nakakulong siya dahil sa robbery holdup case sa Bacolod sa loob ng halos dalawang taon, nakilala niya ang isang drug personality na naging drug operations partner umano niya.
- Latest