790-litrong oil spill, 5 sakong debris nakolekta
Sa barkong sumadsad sa Bataan
MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na umaabot sa kabuuang 790 litro ng oil-water mixture at saku-sakong debris ang nakolekta nila mula sa sumadsad na MV Mirola 1 sa Bataan.
“As of today, 05 August 2024, the PCG recovered 790 liters of oil-water mixture and five sacks of contaminated oil debris using absorbent pads,” ayon sa inilabas na update ng PCG kahapon.
Ayon sa PCG, patuloy ang isinasagawang oil recovery at containment operations ng PCG sa barko, gayundin ang monitoring sa mga oil spill booms.
Matatandaang Huwebes nang simulan ng PCG ang oil recovery operations sa MV Mirola 1, na sumadsad sa karagatang sakop ng Sitio Quiapo, Barangay Biaan, Mariveles, Bataan noong Hulyo 31.
Bukod rito, tinutugunan din ng PCG ang pagtagas ng langis mula sa mga motor tankers na MT Terranova na may lulang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil at MT Jason Bradley na may 5,500 litro ng diesel.
- Latest