Bagong upong tserman, timbog sa baril at mga bala
LIBON, Albay, Philippines — Kalaboso ang isang bagong upong barangay kapitan matapos na mahulihan ng baril, mga bala at granada sa ginawang search and warrant operation ng mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kanyang bahay sa Purok-5, Brgy. Bariw, Libon, Albay kamakalawa ng hapon.
Sinampahan na ng kasong illegal possession of firearms and explosives o paglabag sa Republic Act 10591 at RA 9516 ang suspek na si Ariel Cabatingan Abbas, 49-anyos, may-asawa at incumbent chairman ng naturang barangay.
Sa ulat ng CIDG-Albay sa pangunguna ni provincial officer Lt. Col. Joseph Maribbay, ilang residente ang nagsumbong sa kanilang opisina hinggil sa pagpapaputok ng baril ni Chairman Abbas.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Vice Executive Judge Amy Ana De Villa Rosero ng Ligao City Regional Trial Court, isinagawa ang pagsalakay ng CIDG sa overall supervision ni CIDG-5 regional officer Col. Ariel Red katuwang ang Libon Police, 1st Albay Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit, Regional Mobile Force Battalion 5, Regional Intelligence Division-Special Operation Unit, Explosive Ordnance Division at Maritime 5, dakong alas-3:11 ng hapon sa bahay ni Abbas.
Hindi na nakapangatwiran pa si Abbas nang arestuhin makaraang makuha sa loob ng bahay nito ang isang kalibre 45 baril, isang granada, mga bala at magazine ng KG9 assault rifle, M16 armalite rifle at kalibre 45 baril na lahat ay walang naipakitang legal na dokumento ng mga ito.
- Latest