6 todas sa engkuwentro sa Negros Occidental

MANILA, Philippines — Umiskor ang tropa ng pamahalaan matapos nilang mapaslang ang isang lider ng New People’s Army (NPA) at lima pang miyembro nito kabilang ang kanilang lider sa madugong engkuwentro sa Kabankalan City, Negros Occidental kamakalawa.
Nakilala ng militar ang mga nasawi na sina Alejo delos Reyes, alyas “Peter” at “Bravo,” lider ng Squad 2 ng Sangay Yunit Propaganda (SYP) Platoon 3; misis na si Melissa dela Pena, alias “Diane”; Marjon Alvior, alyas “Kenneth,” vice squad leader ng Squad 2, SYP Platoon 3; Bobby Pedro, alyas “Recoy,” vice squad leader ng Squad 3, SYP Platoon 3, at Mario Fajardo Mullon, alias “Reco” at “Goring,” medic ng Squad 1 mula SYP Platoon 3.
Wala pang pagkakakilanlan ang ika-anim na napatay sa sagupaan.
Ayon kay Major Gen. Marion Sison, 3rd Infantry Division (ID) commander, nangyari ang bakbakan sa Sitio Lubi, Barangay Tabugon na tumagal ng 10 minuto.
Nabatid na sumiklab ang gulo nang magresponde ang mga tauhan ng 47th Infantry Battalion (IB) bunsod ng natanggap na impormasyon hinggil sa presensiya ng mga armadong grupo na pinaniniwalaang miyembro ng SYP Platoon, South West Front (SWF), Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, Siquijor (KR-NCBS) ng NPA.
Ang nasabing armadong grupo ay nagsasagawa umano ng mga pangongotong at pagkuha ng pagkain mula sa mga residente.
Lumilitaw na ang grupo ni Delos Reyes ang sinasabing responsable sa mga ambush-slay ng dalawang sundalo ng 15th IB sa Cauayan, Negros Occidental noong Abril 2021, dalawang intelligence officers ng 47th IB sa Sipalay City noong Nobyembre 2022 at pagpatay sa isang 65-anyos na si Silas Granada sa Barangay Pinggot sa Ilog, Negros Occidental noong Enero dahil sa land dispute.
- Latest