142 pamilya sa Taal, nabiyayaan ng lupa’t bahay ng NHA
MANILA, Philippines — Nasa 142 pamilyang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 2020 ang nabiyayaan ng National Housing Authority (NHA) ng lupa’t bahay sa ilalim ng “Build Better and More (BBM) Housing Program” ng ahensya.
Pinangunahan ni NHA General Manager Joeben Tai ang pagkakaloob ng mga lupa at bahay sa isang ginanap na seremonya kahapon sa Talisay Plains Residences, Talisay Batangas.
Kasama ni GM Tai sa pamamahagi sina Senador Francis Tolentino, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Region IV-A Director Atty. Jann Roby Otero, Batangas 3rd District Rep. Maria Theresa Collantes, Talisay Mayor Nestor Natanauan, NHA-Region IV Office Regional Manager Roderick Ibañez, at iba pang mga kawani ng NHA at lokal na pamahalaan.
Ayon kay Ibañez, mula nang pumutok ang bulkan, tatlong taon na ang nakakalipas nang manuluyan sa iba’t ibang evacuation centers ang mga pamilyang biktima.
Sa kabuuang 142 benepisyaryo ng proyekto, 82 ang galing sa Tumaway Evacuation Center; 17 sa Sta. Maria at 43 naman sa Motorpool. Mula noong ika-24 ng Abril 2023, inumpisahan na ng NHA Regional Office ang paglilipat ng mga pamilya at magpapatuloy pa hanggang sa Setyembre 2023.
Samantala, ang NHA Talisay Plains Residences ay binubuo ng 448 housing units, kung saan ang bawat lote ng bahay ay may sukat na 40 sqm.
Bukod pa rito, magtatayo ng mga pasilidad tulad ng paaralan, health center, tricycle terminal, palengke at livelihood center para sa buong komunidad.
- Latest