Miyembro ng ‘Sardido Drug Group’ arestado sa buy-bust
Cavite , Philippines — Nalambat ng pulisya ang dalawa katao kabilang ang miyembro ng kilabot na drug syndicate sa inilatag na buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Jamal Mangondato alias “Dustin Dela Cruz”, 28-anyos, residente ng Brgy. San Esteban Dasmariñas City, umano’y kasapi ng “Sardido Drug Group” at isang high value target ng pulisya na si Raymond Gurriba, 35-anyos at residente ng Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City.
Sa ulat mula kina Police Captain Pelecio Cruzada ng Cavite Provincial Police Office at Police Major Ernesto B Caparas, hepe ng PIU-Cavite, alas-6:30 ng gabi nang magsagawa sila ng buy-bust operation laban sa mga suspek.
Kasama ang puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit, Cavite PPO, Dasmariñas, City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ikinasa ang buy-bust at isa ang nagsilbing poseur buyer.
Nang magpositibo ang transaksyon, dito dinakma ang mga suspek na nakuhanan ng 5-plastic sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa mahigit 25 gramo at nagkakahalaga ng P172,500.
Narekober din ang buy-bust money na ginamit sa operasyon at iba pang mga drug paraphernalia.
- Latest