‘Triple pay’ alok sa Quezon employees na mananatiling ‘single’ sa February 14

QUEZON, Philippines — Magandang balita ito para sa mga “single” o walang ka-date pagsapit ng Pebrero 14 sa isang bayan sa lalawigang ito.
Ito ay matapos na mag-alok si General Luna Mayor Matt Florido ng “triple pay” na sahod sa Valentine’s Day o Araw ng mga Puso sa Pebrero 14 sa lahat ng empleyado ng munisipyo na “single since birth” at sa mga walang “committed relationship” sa loob ng limang taon.
Ang nasabing alok na benepisyo para sa mga empleyado ay inanunsyo ni Mayor Florida sa kanilang flag raising ceremony nitong Pebrero 6.
Ang mga singles ay maaaring mamili kung nais nilang mabayaran ng dalawang beses pagsapit ng Pebrero 14 o kaya ay mag-leave with pay ng Pebrero 13.
Niliwanag ng alkalde na ang benepisyo ay manggagaling mismo sa personal na pondo nito at hindi ito mula sa lokal na pamahalaan.
“Ang benepisyo ay personal kong i-shoulder at hindi kukunin sa pondo ng lokal na pamahalaan,” ani Florido.
Ang lahat aniya na mga makaka-meet ng requirements ay maaaring mag-apply para sa benepisyo sa Mayor’s Office o sa Human Resource Management Office- HRMO.
Aaprubahan umano ang mga aplikasyon ng isang special committee.
- Latest