Tserman, misis todas sa ambush!
MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay captain at misis nito matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng hapon sa Maguindanao Del Norte.
Kapwa idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang mga biktimang sina Brgy. Pollo Chairman Abubacar Abdul at misis nito na si Baisa dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Batay sa pagsisiyasat ng Parang Municipal Police, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa Narciso Ramos Highway ng Sitio Timbangan, Brgy. Sarmiento, Parang, Maguindanao Del Norte.
Ayon kay Parang Police chief Major Christopher Cabugwang, sakay ang mag-asawa ng isang kulay puting Toyota pickup (DAQ 4412) na minamaneho ni Abubacar nang bigla silang harangin at pagbabarilin ng mga lalaking armado ng kalibre 45 pistola.
Napuruhan ng mga bala ang mag-asawa habang ligtas ang kanilang kasamang barangay secretary.
Sumadsad sa gilid ng national highway ang pickup matapos tamaan ng bala ang mga biktima at mabilis na tumakas ang mga suspek.
Narekober ng pulisya ang limang basyo ng bala ng baril sa crime scene.
Kinondena ni Parang Maguindanao Del Norte Mayor Cahar Ibay ang pamamaslang sa mag-asawang Abdul. Nag-alok siya ng P100,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo sa mga suspek.
- Latest