Mataas na opisyal ng NPA, timbog sa Bulacan
SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan, Philippines — Matapos ang mahabang panahon ng surveillance, nadakip na ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at 70th Infantry Battalion ng Philippine Army ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Muzon ng lungsod na ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Police Maj. June Tabigo-On, CIDG provincial officer ang suspek na si Janeth Cruz, 47-anyos, may mga alias na “Aryang”, “Libay”, “Ditsy”, “Laura”, “Frankie” at “Trixie”.
Si Cruz ang siyang pinuno at head secretary umano ng Josefina Corpuz Command na nag-o-operate sa Gitnang Luzon.
Naaresto si Cruz sa kanyang pinagtataguan sa Door 2, De Guzman Compound, B7, L2, Mountain View Subd., SJDM dakong alas-6:45 ng hapon.
Inaresto si Ka Aryang sa bisa ng dalawang alias warrant of arrest na inilabas ni Branch 71 Zambales Regional Trial Court Presiding Judge Cosuelo-Amog-Bocar sa kasong attempted murder.
Nabatid na gumamit din ng alternative recording device (ARD) ang mga tauhan ng pinagsanib na puwersa ng CIDG at military sa isinagawang operasyon sa pagdakip sa nasabing NPA official.
Nakapiit ngayon si Ka Aryang sa CIDG detention cell kung saan walang piyansang inirekomenda ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
- Latest