Pasahe sa PUVs sa Bataan, hindi pa tumaas
BALANGA, Bataan, Philippines — Hindi pa umano nagtaas ng singil sa pasahe ang mga tsuper ng pampasaherong dyip at bus sa Bataan matapos aprubahan ang dagdag-singil dahil wala pa umano silang nakukuhang fare matrix mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Ayon sa ilang tsuper ng pampasaherong dyip, halagang P26 pa rin ang kanilang sinisingil sa bawat pasahero sa rutang Balanga City hanggang sa bayan ng Orani.
“Hindi pa kami nagtataas kasi wala pang bagong taripa at hinihintay pa namin, at hindi ko alam kung magkano ang itataas pero kung ano ang nakalagay sa taripa ay iyon ang aming susundin. Malaking bagay ang pagtaas ng pamasahe sa amin,” ayon sa tsuper na si Ferdinand Pascual.
Sa pampasaherong bus ay nananatili ring P75 kada pasahero ang kanilang sinisingil mula Balanga City hanggang Mariveles town. Gayundin ang singilan sa ruta ng Balanga City–Olongapo City na nanatili sa P95 sa ordinary bus habang P100 naman sa mga airconditioned bus.
Sakali umanong matanggap nila ang taripa ay kanila na itong susundin upang maski papaano ay makabawi sila sa naluging mga biyahe dulot ng pandemic.
- Latest