Jeep na papuntang kasalan bumaliktad, 4 sugatan
BONTOC, Mt. Province , Philippines — Apat na katao na kinabibilangan ng 3 mga senior citizen ang nagtamo ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan matapos bumaliktad ang sinasakyan nilang jeep na puno ng mga pasahero sa Sitio Lamtagan, Barangay Bontoc Ili sa bayan na ito kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng Bontoc-PNP ang mga nasugatang sina Banayan Saowad, 66; Betty Fararao, 65; Rosita Awingan, 65, kabilang ang driver ng jeep na si Clifford Chamkas, 46, pawang residente ng Barangay Dalican sa nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, patungo umano ang kulay brown na XLT jeep (AHA 615), na punung-puno ng pasahero, sa Madaymen, Buguias para dumalo sa isang kasalan nang biglang nagka-mechanical failure ang sasakyan na naging sanhi para tuluyang ibangga ng driver sa gilid ng bundok at maiwasan na mahulog sa bangin.
Dahil dito ay bumaliktad ang nasabing jeep at bumalandra sa gitna ng nasabing kalsada na naging sanhi para magtamo ng sugat ang ilan sa mga sakay nito.
Agad naman na isinugod ng mga rumespondeng miyembro ng Bontoc Operations Center ang mga sugatan na pasahero sa pinakamalapit na pagamutan habang ang karamihan sa mga sakay ay pinabantayan sa mga kagawad ng Barangay Health Emergency Team (BHERT) sa lugar matapos tumanggi na magpadala sa pagamutan.
- Latest