64-anyos inambus ng sariling anak

DIMASALANG, Masbate , Philippines — Patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang isang 64-anyos na lalaki matapos abangan at pagbabarilin sa daan ng kanyang sariling anak sa Purok-2, Brgy. Bolacawe ng bayang ito ka­makalawa ng gabi.

Tinamaan ng punglo sa kaliwang braso at kaliwang bahagi ng katawan ang biktimang si Eglecerio Vilasquez Lopez, may-asawa, magsasaka at residente ng lugar.

Tinutugis naman ang suspek na Jumvy Lopez, 24-anyos, binata, ma­ngingisda. Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi habang naglalakad pauwi ang biktima nang biglang sumulpot sa tabi ng kalsada ang anak na armado ng hindi malamang kalibre ng baril.

Sa hindi malamang motibo ay walang kaabog-abog na pinagbabaril ng suspek ang tatay na duguang humandusay.

Mabilis na tumakas ang suspek habang agad na isinugod ng mga kamag-anak ang biktima sa Dimasalang Rural Health Unit pero dahil sa maselang tama ng bala sa katawan ay dinala ito sa Masbate Provincial Hospital sa Masbate City.

Show comments