_ngayon
^
Bawal magreklamo sa gobyerno: LGU dumepensa sa Bulacan 'ayuda waiver'
Pinapipirma ng pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte City, Bulacan ng "waiver" ang mga benepisyaryo ng P1,000 ECQ lockdown ayuda sa NCR Plus bubble, ika-16 ng Abril, 2021
News5/Rommel Lopez

Bawal magreklamo sa gobyerno: LGU dumepensa sa Bulacan 'ayuda waiver'

James Relativo (Philstar.com) - April 16, 2021 - 2:03pm

MANILA, Philippines — Nagpaliwanag ang isang local government unit sa probinsya ng Bulacan dahil sa patuloy na pagpapapirma ng isang dokumento bago bigyan ng lockdown ayuda, bagay na nakatatapak diumano sa karapatan ng mga benepisyaryo.

Nabatikos kasi online ang pinapipirmahang waiver ng San Jose del Monte City LGU matapos "pagbawalan" ang mga tumatanggap ng P1,000 aid na magreklamo sa gobyerno kaugnay ng ayuda sa gitna ng NCR Plus lockdown.

Nakasulat sa "waiver" ang sumusunod:

"Sa aking pagtanggap, aking kinikilalang nasapatan ang aking karapatan, at wala na akong habol, reklamo, o hinaing pa ukol dito laban sa anumang ahensya ng gubyerno o opisyal ng pamahalaan ukol sa pamimigay ng NCR Plus Ayuda."

"Ang pamamahagi ng waiver kaalinsabay ng pagtanggap ng ayuda ay parte lamang ng pagnanais na tiyaking nauunawaan ang mga tuntunin ng [Joint Memorandum Circular 1, s. 2021] na ibigay sa mga Gobyernong Lokal ang pamamahala ng distribusyon ng ayuda, habang ipinatutupad din ang mga kakululang 'acounting rules and procedure," ayon sa SJDM LGU na ulat ng dzBB, Biyernes.

"Walang layong ipanikil ng karapatang pantao ang nasabing waiver."

Ilang residente na ang kumwestyon sa nasabing pagpapalagda lalo na't ayaw daw ibigay sa kanila ang hanggang P4,000 ayuda kada pamilya na ipinangako ng national government sa mga mahihirap na napasailalim sa mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ).

Una nang sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado noong ika-29 ng Marso na bibigyan ng P1,000 ayuda ang nasa 22.9 milyong low-income population na nakatira sa Bulacan, Metro Manila, Rizal, Laguna at Cavite dahil sa ECQ. Gayunpaman, hanggang P4,000 lang ang pwedeng ibigay kada pamilya.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na malaya ang sinumang maghain ng reklamo na naayon sa grievance provision ng JMC 1. 

DILG: Walang waiver requirement dapat

Ikinagulat naman ng Department of the Interior and Local Government ang balita patungkol sa waiver na ito lalo na't hindi raw ito dapat iboobliga sa mga benepisyaryo sa gitna ng COVID-19 crisis.

"Kaagad-agad po ay chineck po namin 'yung executive order na inisyu ng mayor ng San Jose del Monte, at wala naman po kaming nakita na requirement doon for a waiver," ani Jonathan Malaya, Interior Undersecretary, sa Laging Handa briefing kanina. 

"Wala rin po sa [JMC no. 1] na kailangan ng waiver."

Kahit na "iniimbestigahan pa ito kung totoo" ng DILG, kitang-kita sa larawan na ito ng News5 ngayong araw na tuloy-tuloy ang pagpapapirma ng waiver ng pamahalaang lungsod San Jose del Monte, Bulacan.

'Kulang na kulang ang P1,000'

Kanina lang nang magprotesta ang Ayuda Network kasama ng ilang unyon at pederasyon ng mga manggagawa sa tarangkahan ng Mendiola para itulak ang immediate wage subsidy at monthly cash aid sa gitna ng kawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga negosyo sa gitna ng lockdowns.

"Hindi sapat ang wala pang dalawang araw na sahod bilang ayuda sa gitna ng nagtataasang mga bilihin. Nananawagan kami ng kagyat na P100 wage subsidy katumbas ng nawalang halaga sa minimum wage. Nananawagan din kami ng P10,000 kada buwan na ayuda lalo na sa mga nawalan at wala o kulang ang trabaho," ani Buddy Carranza, convenor ng grupo.

"Makatwiran at makatarungan na hilingin ang mga ito sa bilyong inutang ng gobyerno."

Kaugnay pa niyan, binanatan din nina Carranza ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na "hindi nagkulang ang gobyerno sa pandemic response" lalo na't wala pa ring libreng mass testing at hindi pa nakararating ang ligtas at epektibong bakuna sa karaniwang mamamayan.  — may mga ulat mula sa News5

BULACAN DEPARTMENT OF THE INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE FINANCIAL AID NOVEL CORONAVIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with