2 patay, 5 sugatan sa pambobomba

Kinilala ang nasapol ng bomba na si Gina Paunon, 53-anyos ng Brgy. F. Cajelo habang ang inatake sa puso ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Philstar.com/File

NORTH COTABATO, Philippines — Isa ang patay matapos masabugan ng bomba at isa rin ang nasawi sa atake sa puso dahil sa nasabing insidente habang lima pa katao ang sugatan sa gilid ng national highway malapit sa isang ticket booth ng Brgy. Sibsib, Tulunan sa lalawigang ito, kahapon ng tanghali.

Kinilala ang nasapol ng bomba na si Gina Paunon, 53-anyos ng Brgy. F. Cajelo habang ang inatake sa puso ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na sina Rodel Secur, 24, Kent Lloyd Sendero,19, Ryan Panibayo, 28, Eduard Odango, at Retchie Pedroso, 32; pawang mga fruit vendors sa lugar.

Ayon kay Tulunan Mayor Pip Limbungan, alas-12:30 ng tanghali nang sumabog ang itinanim na improvised explosive device (IED) malapit sa ticket booth sa nasabing lugar habang pababa ang mga pasahero na sakay ng Yellow Bus Line buhat sa Kidapawan City.

Hindi naman nasaktan ang mga pasahero ng bus habang ang mga sugatan ay mga fruit vendors sa lugar.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa roadside bombing at kung sino ang responsable sa krimen.

Show comments