
Ilocos Norte umorder na rin ng bakuna
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Umorder na ng 120,000 doses ng COVID-19 vaccines mula sa AstraZeneca Pharmaceutical Company ang lalawigan ng Ilocos Norte noong Martes.
Ayon kay Ilocos Norte Governor Mathew Manotoc, gagamitin nila ang bahagi ng P46 million COVID- 19 fund upang ipambili ng inisyal na supply ng bakuna na maibabahagi lamang sa 60,000 katao o 10 porsyento ng kanyang mga kababayan.
Inamin ng gobernador na makabagbag ang kanyang desisyon sa kabila na 70 porsiyentong efficacy rate o bisa ng naturang bakuna kumpara sa mas sikat na Moderna at Pfizer-BioNTech na may higit sa 90 porsyentong efficacy rate.
Idinagdag ni Manotoc na napakaaga pang husgahan ang mga lumabas na tatak ng bakuna dahil nagsisimula pa lamang ang pag-aaral sa mga ito. Aniya, sinamantala niya ang pagkakataon na pabakunahan na ang inisyal na bahagi ng kanilang populasyon. Ito ay sa kabila na hindi naman malubha umano ang bilang ng COVID-19 cases sa lalawigan para madaliin ang 100 porsiyentong pagbakuna sa buong mamamayan.
Maunang matuturukan ang mga frontliners, matatanda at mga sakitin sa sandaling makakarating na sa Ilocos Norte ang bakuna ayon kay Manotoc. Nauna nang nag order ng parehong tatak na bakuna ang LGU ng Baguio City at Ilocos Sur dito sa Northern Luzon.
- Latest