3 sasakyan inararo ng van: 1 dedo, 4 sugatan
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Isang babae ang patay habang apat ang sugatan matapos araruhin ng kanilang sinasakyang van ang tatlong nakaparadang sasakyan na pag-aari ng mga negosyante sa Cauayan City ng lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Aiza Dela Peña, nasa wastong edad at residente ng Palanan, Isabela.
Inoobserbahan naman sa pagamutan ang mga nasugatan na sina Maribel Donato, 33, isang negosyante; Bryan Chavez, 22, kapwa ng Brgy. Bisag, Palanan; John Rouie Chavez, 18, ng Centro West, Palanan at Elmer Usbal, tubong Dicaduan, Palanan at pansamantalang nakatira sa Woodcrest Subdivision, Brgy. Tagaran, Cauayan City.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, sakay sa Hyundai Starex van (ZNJ-130) na minamaneho ni Usbal ang mga biktima nang bigla nilang araruhin ang isang Nissan Navarra (F2R797) na pag-aari ni Jeffrey Uy Tan, 40; Nissan Navarra (ABX 4243) na pag-aari ni Marvin Isidro, 47, at isang puting Mitsubishi L300 (DDM1444) na pag-aari naman ni Salvador Ordonez ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela, dakong alas-9:00 ng gabi.
Dahil sa matinding pagkakasalpok, nagtamo ng malaking pinsala ang van at mga sakay nito na ikinasawi ng nasabing pasahero.
Lumabas na nakainom ang driver ng van na mahaharap sa patung-patong na kaso.
- Latest