P13.6 milyong shabu nasamsam sa 5 ‘tulak’
LANAO DEL SUR, Philippines — Limang notoryus na tulak droga ang inaresto ng pinagsanib na elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM), pulisya at militar makaraang makumpiskahan ng mahigit P13 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Brgy. Bago Ingud, Malabang ng lalawigang ito, Biyernes ng hapon.
Kinilala ni PDEA-BARMM Regional Director Juvenal Azurin ang mga nadakip na sina Charly Talib, Radal Jadin Naming, Aljun Saribon, Albasir Bakundo at Michael Gamuranao, pawang taga-Malabang, Lanao del Sur.
Kasama ang Philippine Marines at Malabang Police, isinagawa ng PDEA-BARMM ang buy-bust laban sa mga suspek kung saan nakumpiska sa kanila ang dalawang kilo ng shabu, alas-4:30 ng hapon.
Nakapiit na ngayon sa lock up cell ang mga suspect at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 99165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2000.
- Latest