'Kahit quarantine': 73 Tsino, 3 Pinoy tiklo sa online pasugalan sa Cagayan
Litrato ng pagsalakay ng mga otoridad sa diumano'y iligal na onling gambling operations sa Sta. Ana, Cagayan, ika-4 ng Agosto, 2020
News5/Cris Sansano
'Kahit quarantine': 73 Tsino, 3 Pinoy tiklo sa online pasugalan sa Cagayan
James Relativo (Philstar.com) - August 5, 2020 - 1:57pm

MANILA, Philippines — Arestado ang ilang dosenang Tsino at mga Pilipino matapos ang ikinasang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa probinsya ng Cagayan, Martes nang gabi.

Ayon sa ulat ng DZRH ngayong umaga, nasakote ang mga suspek sa isang hotel na matatagpuan sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.

Kasama sa mga nahuli ang 73 Chinese nationals at tatlong Pilipino sa Villa Saturnina Hotel and Resort sa Sitio Rafat, Rapuli.

Kinilala ng mga media report ang mga Pilipino bilang sina Erwin Digol, Alexis Isaac Ferro at Mylene Tuazon, na pare-parehong empleyado ng hotel.

Sa kasamaang palad, nakatakas naman mula sa kamay ng hustisiya si Frank Yu, na kinikilalang manager at "utak" diumano ng mga operasyon.

Kasama sa mga nasamsam ng pulisiya ang 103 laptop at desktop computers, na siya raw ginagamit sa mga iligal na operasyon.

Kasalukuyang nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) ang probinsya ng Cagayan bunsod ng patuloy na paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas habang nasa ilalim naman ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila.

Una nang sinabi ng Malacañang noong Abril na ipinagbabawal pa ang Philippine offshore gaming operators (POGOs), na pinagtratrabahuhan ng maraming Tsino, at iba't ibang uri ng sugal sa mga lugar na nasa ilalim ng maluwag na general community quarantine (GCQ).

Gayunpaman, pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang "partial operations" ng mga nasabing pasugalan, kahit sa ilalim ng mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa dahilang kinikilala ito bilang business process outsourcing (BPO).

"All BPOs are allowed to operate on limited capacities, so POGOs will be allowed to maintain a skeletal workforce of 30 percent in areas under ECQ," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque noong Mayo 2020. — may mga ulat mula kay News5/Cris Sansano

CAGAYAN MODIFIED GENERAL COMMUNITY QUARANTINE ONLINE GAMBLING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with