Kuha ng magsasaka ng Alliance of Farmers in Bulacan (AMB) bago dalhin ang ani sa Metro Manila, na gagamitin ng Baclaran Church para sa kanilang "mobile kitchen" sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic.
Released/Kilusang Magbubukid ng Pilipinas
Kaysa de lata, LGUs inudyok bumili ng 'farm produce' sa gitna ng COVID-19
James Relativo (Philstar.com) - March 23, 2020 - 1:59pm

MANILA, Philippines — In-engganyo ng Department of Agriculture ang mga local government units na namimigay ng relief goods at food packs na i-source na lang ito direkta mula sa mga lokal na magsasaka sa kalagitnaan ng enhanced community quarantine dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, mas mapapalakas daw kasi ng sariwang pagkain ang resistensya ng katawan laban sa nakamamatay na sakit.

"Habang namimigay ng canned goods at processed products, nakikiusap kami sa LGUs na i-prioritize ang pagbili ng sariwang produkto ng mga magbubukid natin. Panalo ang parehong consumer at gumagawa ng pagkain," sabi ni Dar sa Inggles.

"Ito ang panahon para tulungan natin ang mga magsasakang ibenta ang produkto nila habang itinataguyod natin ang malusog na pagkain ng tahanang Pilipino."

Dagdag pa ng kalihim, galing mismo sa kanayunan ang food supply, kung kaya't "mabawasan" daw nito ang paglipat-lipat ng lokasyon.

Kasalukuyang naghihigpit ang gobyerno sa paglabas ng bahay sa buong Luzon habang suspendido ang lahat ng pampublikong transportasyon sa pagsusumikap pigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Mahigit 380 na ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas — 25 sa kanila ang namatay na — ayon sa ulat ng Department of Health.

Problema ng suplay ng pagkain

Dahil sa limitadong galaw ng mga residente sa kapuluan, nagsimula nang magpamudmod ng pantawid-gutom ang mga lokal na pamahalaan sa mga pamilyang labis na nangangailangan ng pagkain, lalo na yaong mga naka-quarantine o hindi maaaring lumabas ng bahay.

Nagkakaubusan na rin kasi ng mabibili sa maraming pamilihan, gaya ng mga grocery.

Pinag-uugnay ngayon ng "Kadiwa ni Ani at Kita Program" ng DA ang mga LGUs sa mga lungsod sa mga farmer-producers sa iba't ibang bahagi ng bansa upang mapagaan ang food supply delivery at distribution sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.

"Handa kaming tumulong sa mga LGU sa metro areas para mapanatiling stable ang mapagkukunan ng pagkain sa bansa. Hangga't maaari, gawin natin sa mga sariling komunidad kung saan may mapagkukunan na ng suplay," dagdag pa ni Dar.

'Walang work from home sa bukid'

Bagama't ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "work from home" at "flexible work arrangements" hanggang Abril, tuloy-tuloy namang nagbabanat ng buto ang mga nagbubungkal ng lupa.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), walang luxury ang mga nagtatanim at nag-aalaga ng hayop na kumayod sa loob ng bahay.

Naiintindihan ng KMP na kailangan ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain lalo na sa panahon ng kalamidad, pero malaking balakid daw sa kita ng magsasaka ang mga umiiral na checkpoints at paligid ng Bulacan at Metro Manila. Hirap makarating ang mga ani sa palengke.

"Kapag hindi namin mabenta itong mga kalakal namin, wala rin kaming pambili ng bigas at iba pang kailangan. Wala kaming ipambabayad sa tubig at kuryente," sabi ni Gemma Sala, miyembro ng Samahang Sandigang Magsasaka-Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan.

"Bawal daw lumabas pero kailangan. Sinong mag-iintindi sa mga sakahan namin kung hindi kami lalabas ng bahay?"

Dagdag pa ni Sala, hindi pa sila nakakukuha ng anumang tulong mula sa baranggay o LGU ng San Jose del Mone, Bulacan.

Umaaray sila ngayon sa presyo ng kailangang rubbing alcohol, na nagkakahalaga na raw ng P250 para sa dalawang bote.

Binanatan ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP, ang diumano'y mabagal na pagtugon ng gobyerno sa problema ng COVID-19, na lalo lang daw nagpasidhi sa public panic.

"Hindi mabisa ang striktong lockdown ala-Martial Law kung walang holistic health, socio-economic at humanitarian actions," dagdag ni Ramos.

Patuloy naman ang panawagan nilang libreng mass testing laban sa sakit, bagay na ine-engganyo rin daw ngayon ng World Health Organization.

Umabot na sa 266,073 na ang nahahawaan ng sakit sa buong mundo, habang 11,184 na ang namamatay.

DEPARTMENT OF AGRICULTURE DEPARTMENT OF HEALTH FARMERS KILUSANG MAGBUBUKID NG PILIPINAS NOVEL CORONAVIRUS WILLIAM DAR
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with