Reso sa Espino ambush, inilabas
LINGAYEN, Pangasinan, Philippines — Isang resolusyon ang ipinasa kahapon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) dito sa kanilang regular na sesyon na kumokondena sa tangkang pagpatay kay dating Pangasinan Governor Amado Espino, Jr. na ikinasawi ng dalawa nitong bodyguard noong nakaraang linggo sa lungsod ng San Carlos.
Sa resolusyon na inakda ni Vice Gov. Mark Lambino na sinang-ayunan ng lahat ng mga board members, inihayag ng SP ang kanilang pagkondena sa naturang pananambang sa convoy ni Espino na nagresulta sa pagkakasugat nito at dalawang kasamahan habang minalas na nasawi sa insidente ang kanyang dalawang escort.
Nakapaloob din sa resolusyon ang panawagan sa pambansang pulisya at iba pang law enforcement agencies na agarang resolbahin ang naturang kaso, alamin ang posibleng motibo sa pamamaril, at mahuli ang mga salarin
Samantala, ipinasa rin ng SP ang dalawang resolusyon ng pakikidalamhati sa mga naulilang pamilya nina Police S/Sgt Richard Esguerra at drayber bodyguard na si Agapito Cuison na kapwa nasawi sa pananambang.
Nagsasagawa pa rin ng masusing pagsisiyasat ang binuong task force hinggil sa naturang kaso.
- Latest