3 ‘pusher’ utas sa shootout, P74.8-M shabu nasamsam
MANILA, Philippines — Tatlong hinihinalang notoryus na drug pusher ang napaslang habang aabot sa P74.8 milyong halaga ng droga ang nakumpiska matapos ang buy-bust operation ng pulisya sa Zuellig St., North Reclamation Area, Mandaue City, Cebu nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang isa sa mga nasawi na si Prudelgem Mapalo na siyang target ng operasyon habang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pa.
Sa ulat ni Police Lt. Col. Jonathan Abella, officer-in-charge ng Mandaue City Police, bandang alas-3:30 ng hapon nang ikasa ang operasyon laban sa mga suspek matapos ang masusing surveillance operation laban sa mga illegal na aktibidades ni Mapalo sa nasabing lugar.
Gayunman, nakatunog umano ang mga suspek na undercover agent ng pulisya ang kanilang ka-deal sa bentahan sa droga kaya agad nagpaputok ng baril na nauwi sa shootout na ikinatimbuwang ng tatlo.
Nakuha sa mga nakabulagtang suspek ang bulto ng Chinese tea bag na pakete ng shabu na nasa 11 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P74.8 milyon. Narekober din sa lugar ang isang cal. 357 revolver, isang cal. 45 pistol, isang KG9 submachine gun at isang multicab.
- Latest