2 militanteng Karapatan itinumba
LEGAZPI CITY, Albay. Philippines — Bulagta ang dalawang staff ng militanteng grupong “Karapatan” matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nasa loob ng isang tricycle sa Phase 2, Seabreeze Homes, Brgy.Cabid-an, Sorsogon City, Sorsogon kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Ryan Hubilla, estudyante ng senior high school, residente ng Brgy. Trece Martirez at Nelly Bagasala, nasa hustong gulang at residente ng bayan ng Barcelona.
Sa inisyal na ulat ni Col. Bong Buslig, provincial director ng Sorsogon Police, dakong alas-8:50 ng umaga habang sakay sa tricycle na minamaneho ni Jose Romero Beriña ang mga biktima nang biglang dumating ang mga suspek at sila ay pinagbabaril.
Kinumpirma ni Vince Casilihan ng Bayan-Bicol na parehong staff ng Karapatan-Sorsogon sina Hubilla at Bagasala at pumunta lang sa lugar dahil may kakausapin. Sa kanilang sariling inisyal na imbestigasyon, nagbabayad na ng pamasahe sa tricycle driver ang kanilang mga kasamahan nang dumating ang mga suspek lulan ng motorsiklo at pinagbabaril ang mga biktima.
Mahigpit na kinondena ng grupong Karapatan sa Bicol ang pamamaslang sa kanilang mga kasapi.
- Latest