2 big-time pusher sa Bicol timbog sa P4-M shabu
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nahulog din sa kamay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-5 ang dalawang madulas at itinuturing na big-time drug pusher ng Bicol matapos kumagat sa buy-bust operation sa magkahiwalay na operasyon sa Camarines Sur at Albay kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Cotton Yuzon, tagapagsalita ng PDEA-Bicol sa tulong ng National Bureau of Investigation at pulisya, dakong alas-5 ng hapon inaresto sa buy-bust operation sa kahabaan ng Maharlika National Highway ng Brgy.Tara, Sipocot, Camarines Sur ang unang suspek na si Ferdinand Galang Luzaraga, nasa hustong gulang. Nakuha mula sa suspek ang dalawang malaking sachet ng shabu na nasa 500-gramo at nagkakahalaga ng P3.4 milyon.
Sa hiwalay na operasyon, alas-2:35 ng hapon inilatag ng PDEA Regional Special Enforcement Team ang buy-bust sa Kalye Siping, Brgy. Bonot, Legazpi City laban kay Samuel Macabuhay Rivera, 32-anyos, ng Brgy.Ilawod, Daraga. Nang iabot ng suspek sa poseur buyer ang apat na malalaking sachet ng shabu na tumitimbang ng 100-gramo at may market value na P680,000 ay agad siyang inaresto.
Kapwa sinampahan ng kaso sina Luzaraga at Rivera sa paglabag sa Section 5, Article ll ng Republic Act 9651.Umaabot sa 600-gramong shabu ang kabuuang drogang nakuha sa kanila na may streetvalue na 4,080,000 piso.
- Latest