Quezon provincial director sinibak
MANILA, Philippines — Sinibak na kahapon sa puwesto ang police provincial commander ng Quezon kaugnay ng kontrobersyal na pagkakapatay sa shootout sa anak na lalaki ng mayor ng bayan ng Sariaya na umano’y kabilang sa riding-in-tandem na nakipagbarilan sa mga awtoridad sa Tayabas City noong nakalipas na linggo.
Base sa memorandum order na nilagdaan ni P/Major Gen. Lyndon Cubos ng Directorate for Personnel and Records Management kahapon, Marso 19, iniutos nito ang pagsibak kay P/Col. Osmundo de Guzman at ipinalit sa puwesto nito si P/Col. Joseph Arguelles.
Sinabi naman ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Bernard Banac, ang pagsibak kay de Guzman ay kaugnay sa kabiguan nitong isuperbisa ang operasyon sa pagkamatay ng 21-anyos na si Christian Gayeta, anak ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta.
Nitong Lunes, una nang sinibak ni de Guzman kaugnay sa nasabing isyu sina Tayabas City Police chief P/Lt. Col. Mark Joseph Laygo; at mga tauhan nitong sina P/Staff Sgt. Christopher John Siman, Patrolman Perry Malabaguio at Patrolman William Allan Ricamonte. Ang pagsibak kay Laygo at tatlo nitong tauhan ay upang bigyang daan ang imbestigasyon sa nasabing kaso at kaugnay sa isyu ng command responsibility.
- Latest