Cavite drug raid: 4 utas, 23 timbog!

MANILA, Philippines — Apat na katao ang nasawi habang 23 ang naaresto sa isinagawang serye ng anti-drug operations sa lalawigan ng Cavite kamakalawa.
Base sa ulat mula sa tanggapan ni Provincial Director Sr. Supt. William Segun, dakong ala-1:00 ng hapon nang ikasa ng mga tauhan ni Bacoor City Police chief, P/Supt. Vicente Cabatingan, ang sunud-sunod na pagsalakay upang isilbi ang anim na search warrant laban sa mga target sa Sitio Bicol Region, Brgy. Talaba 2, Bacoor City na ikinasawi ng mga suspek na sina Venencio Vener Banatayo, Felimon Jun Roxaz at isang hindi pa natukoy ang pangalan matapos umano silang manlaban sa mga awtoridad.
Nabatid na nasa 23 katao naman ang nadakma sa operasyon na pawang mga nasa drug watchlist ng pulisya.
Lahat ng napatay na suspek ay nakunan ng tig-isang cal. 45 pistol habang sa 23 na naaresto ay nasamsaman ng mga ilegal na droga at mga drug paraphernalia.
Sa Cavite City, sa pamumuno ni P/Supt. Francisco Lucena III, dakong alas-10:30 ng gabi nang mapatay nila sa buy-bust ang suspek na si Ferdinand Pangilinan II alyas BJ, ng Brgy. 48-A, San Antonio, Cavite City matapos na manlaban nang makatunog na mga pulis ang ka-transaksyon. Narekober dito ang isang .38 caliber revolver at isang sachet ng shabu.
- Latest