Kandidatong mayor tinambangan
MANILA, Philippines — Papatindi pa ang mga karahasang dulot ng labanan sa pulitika makaraang isa na namang kandidatong alkalde ang tinambangan at pinagbabaril sa Catbalogan City, Samar kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 8 Director P/Chief Supt. Dionardo Carlos ang biktima na si Aran Boller, 42-anyos at residente ng Brgy. Mabuligon, Matuguinao, Samar.
Ang biktima ay mayoralty bet sa bayan ng Matuguinao ng lalawigan at isa sa matunog na kandidato sa kanilang lugar.
Base sa imbestigasyon, bigla na lamang sumulpot sa kahabaan ng San Francisco Street ng lungsod ang mga armadong suspek at nang matiyempuhan sa lugar ang biktima ay pinagbabaril na nagtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng katawan na ngayo’y nilalapatan ng lunas sa ospital.
Nabatid na ang biktima ay dating Sangguniang Kabataan(SK) councilor noong 1993-1994, nahalal na SK Chairman noong 1994-2002, 2004-2007 ay naging Sangguniang Bayan (SB) member at nahalal na bise alkalde noong 2007-2010 at noong 2010 ay dati ng kumandidatong mayor sa kanilang bayan pero natalo kay Mayor Melissa dela Cruz.
- Latest