P200-M pekeng sigarilyo samsam sa raid!
MANILA, Philippines — Umaabot sa P200 milyong halaga ng pekeng sigarilyo ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs at Gapan City Police sa isinagawang raid sa isang “pabrika” ng pekeng brand ng sigarilyo na ikinaaresto ng 17 Chinese nationals sa Nueva Ecija, iniulat kahapon.
Inaresto ang mga Chinese ng mga ahente ng Enforcement and Security Services (ESS) sa Valmonte Street sa Brgy. Pambuan, Gapan City.
Nakuha rito ang iba’t ibang pekeng sigarilyo, anim na cigarette-making machines, cigarette raw materials, at fake Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps na nasa tatlong kahon.
Nag-ugat ang pagsalakay sa inilabas na kautusan ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na inspeksyunin ang warehouse na pagmamay-ari ng Chinese national na pinaghihinalaang bodega ng pekeng sigarilyo at makina sa paggawa nito. Nasamsam sa raid ang mga pekeng sigarilyo na may tatak na Marvel, Fortune at Jackpot.
Sinabi naman ni City Chief of Police Supt. Peter Madria, inaalam pa ng Bureau of Immigration ang estado sa bansa ng 17 Chinese, isa rito ay babae na nasa kanilang custody matapos ang isinagawang raid noong Biyernes.
- Latest