6 ‘tulak’ todas sa Cebu drug ops
MANILA, Philippines — Anim na mga pinaghihinalaang notoryus na tulak ng droga ang napaslang sa isinagawang magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Cebu kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Rodel Econas ng Brgy. Lagtang, Zebar Canciancio ng Brgy. Lawaan 2, Rene Fernandez, taga Brgy. Tangke; pawang sa Talisay City; Joseph Taoy ng Brgy. Poblacion, Carmen; Carl Niño Macachor at Ranchie Castañeda ng Brgy. Guizo; pawang sa Mandaue City.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 7 Director P/Chief Supt. Debold Sinas, pasado ala-1 ng madaling araw nang magsagawa ng serye ng anti-drug operations ang kanilang mga tauhan sa mga lungsod ng Mandaue, Talisay, Lapu-Lapu at maging sa bayan ng Carmen ng lalawigan base sa 22 search warrants at 30 warrant of arrest na inilabas ng korte laban sa mga drug personalities.
Nasa 18 buy bust operations din ang isinagawa sa Metro Cebu.
Namaril umano ang mga suspek sa arresting team bunsod upang magkaroon ng shootout na ikinasawi ng mga target na drug personalities. Nasa 74 drug personalities ang nasakote habang nasa 721 namang shabu na nagkakahalaga ng P8.2 milyon ang nakumpiska sa operasyon.
- Latest