Jailbreak: 12 preso tugis
MANILA, Philippines — Labing dalawang preso kabilang ang ilang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang pumuga sa detention cell ng Jolo Municipal Police Station (MPS) sa naganap na jailbreak sa lalawigan ng Sulu nitong Sabado ng tanghali.
Sa report ng ARMM Police, pakay ngayon ng manhunt operations ang mga puganteng kinilalang sina Herbert Bael, Radzmir Salahudin, Nurhassan Taasan, Alim Misah, Abdulwahid Lipae, Junal Sali, Alvin Hamdi, Al-Amil Kipili, Almager Bantala, J. Muthamir Pangambayan, Khan Balang at Dante Abdulla.
Ayon kay ARMM Police Spokesman Inspector Jemar delos Santos, dakong alas-10 ng umaga nang magsitakas ang nasabing mga detainees sa detention cell ng Jolo Police sa Brgy. Walled City sa kapitolyo ng Jolo, Sulu.
“Provincial Intelligence Branch of Jolo, Sulu PPO is currently spearheading the efforts in intelligence support regarding profile and whereabouts of the fugitives”, anang opisyal.
Samantalang bunga ng insidente ay sinibak naman ni ARMM Police Director P/Chief Supt. Graciano Mijares ang lahat ng personnel ng Jolo Police at pansamantalang ipinalit sa mga ito ang puwersa ng Provincial Mobile Force Company habang isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kaso.
Patuloy namang inaalam kung paano nagawang makapuga ng nasabing mga detainees.
- Latest