Huling Eba sa Paraiso (15)
“KAYA pala pawisan ka, Kuya,’’ sabi ni Tikoy. ‘‘Akala ko dito ka lang sa paligid-ligid pupunta.’’
Hindi na sinabi ni Drew ang kanyang nakita sa sapa. Baka kung ano pa ang isipin ni Tikoy kapag sinabi niyang may nakita siyang babaing naliligo.
“Binisita ko ang tinanim nating kawayan. Ang bilis palang lumago ng kawayan. Mas mataas pa sa akin ngayon.’’
“Oo Kuya, mabilis talagang lumaki ang kawayan dahil lagi siyang nakakasipsip ng tubig sa sapa. Mga ilang buwan pa at matatakpan na ang sapa.’’
“Bilib na ako sa kawayan sa bilis lumago. At ni isa sa mga tinanim natin ay walang namatay. Nakakatuwang pagmasdan ang hanay sa pampang ng sapa.’’
“Nalibang ka kaya natagalang umuwi. Hahanapin na sana kita at baka ka nabulong.’’
“Anong nabulong?’’
“’Yung naligaw dahil sa kagagawan ng tikbalang.’’
Nagtawa si Drew.
“Totoo ba ‘yun? Di ba kuwentong bayan lang yun?’’
“Sabi nila totoo yun Kuya. Pero ako hindi pa ako nakakaranas mailigaw ng tikbalang.’’
“E kung sakali at mailigaw ako ng tikbalang, anong gagawin ko?’’
“Sabi ng mga matatanda na nakausap ko, baliktarin lang ang damit para makita ang tamang daan pabalik.’’
“Ganun lang?’’
“Pagkatapos daw baliktarin ang damit, maupo sandali at saka magmuni-muni. Kasi ang mga inililigaw daw ng tikbalang ay ginugulo ang isipan para hindi makita ang daan pabalik.’’
“Ganun ba? Sige at kapag iniligaw ako ng tikbalang ay ganun ang gagawin ko.’’
‘‘Halika Kuya. Kumain na tayo. Nagluto ako ng adobong manok na Tagalog sa gata.’’
“Aba okey na ulam ‘yan. Halika at gutom na nga ako.’’
MAKALIPAS ang ilang araw, pasimpleng nagtungo muli sa sapa si Drew – sa mismong lugar kung saan niya nakitang naliligo ang babae. Nagtataka siya kung bakit gustung-gusto niyang bumalik doon.
(Itutuloy)
- Latest