Huling Eba sa Paraiso (14)
Hinabol ng tingin ni Drew ang babae. Mabilis na naglakad makaraang makasampa sa pampang at nawala sa paningin ni Drew.
Saglit na ipinako sa pagkakatingkayad si Drew. Wala siyang ibang nasambit sa sarili kundi ang panghihinayang. Sana ay matagal pang nagbabad ang babae sa sapa para napagmasdan pa niyang mabuti. Nanghinayang din siya na sana’y nadala niya ang kanyang cell phone para nairekord ang paliligo ng babae.
At ang isa pang pinanghihinayangan niya, hindi niya nakita ang mukha ng babae. Sa loob ng may kalahating oras yata na panonood niya ay hindi man lang tumingin sa likod ang babae. Parating nakaharap sa kabilang pampang. Kahit pa anong gawin niya kanina, hindi niya makita ang mukha nito. Kahit patagilid, hindi niya nabistahan.
Nang inaakala niyang malayo na ang babae ay saka siya dahan-dahang tumayo mula sa pinuwestuhang damuhan. Halos bumakat ang kanyang mga paa sa lupa dahil sa matinding pressure ng panonood o pamboboso sa babae.
Naitanong ni Drew sa sarili, ang babae kaya na una niyang nakita na nananalbos ng pako at ang babaing naliligo kanina ay iisa?
Hindi siya sigurado kung iisa ang babaing nakita niya noon at ngayon kasi, hindi niya nakita ang mukha ng babae kanina.
Pilit niyang inaalala ang mukha ng babaing nakita niya noon. Maganda ang babae. Nakadaster din. Halos nagkakapareho ang katawan ng babae noon at ngayon. Baka nga iisa ang babaing iyon! Pero hindi nanalbos ng pako ang babae kanina. Wala ngang dala kahit ano makaraang maligo.
Napabuntunghininga si Drew.
Sayang!
Ipinasya niyang umuwi na. Nakaramdam siya ng gutom. Nang tingnan niya ang kanyang relo: alas dose na ng tanghali. Nalibang siya sa panonood sa babae.
Hinahanap na pala siya ni Tikoy.
“Saan ka nagpunta, Kuya? Kanina pa kita hinahanap para kumain.’’
“Galing ako sa sapa.’’
(Itutuloy)
- Latest