^

PSN Showbiz

Aktor/singer na naging bisyo ang pagsinghot, takot sa tubig!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Nu’ng kasagsagan ng pagkahibang sa bisyo ng isang kilalang male personality ay takot na takot siyang maligo. Takot na takot siya sa tubig.

‘Yun ang madalas nilang pag-argumentuhan ng kanyang pamilya, maging ng kanyang girlfriend, talagang naging matinding problema nila ang male personality.

Kuwento ng aming source, “Naku, ipagawa mo na sa kanya ang lahat, huwag lang ang paliligo. Takot na takot siya sa tubig! Meron pala kasi siyang pinaniniwalaan!

“Kung ang ibang gumagamit ng drugs, e, takot sa sikat ng araw, sa tubig naman siya inaatake ng takot! Ayaw niya talagang maligo!” unang kuwento ng aming impormante.

Guwapo pa naman ang male personality at magaling siyang umarte. Kumakanta rin siya, sumasayaw, napakarami niyang talento.

Sabi uli ng aming source, “Napabarkada kasi siya sa mga anak-mayamang walang pangarap sa buhay. Hindi siya masyadong gumagastos para masunod ang bisyo niya, puro bigay-bigay lang sa kanya ‘yun!

“Hanggang sa hinahanap-hanap na niya, natuto na rin siyang magbenta ng mga kagamitan nila sa bahay kapag ginigiyang na siya!

“Pati nga alagang aso ng pamilya nila, e, kinaya na niyang ipagpalit ng droga! Matindi talaga ang pagiging dupang niya! At kapag ganu’ng lakas-tama ang sitwasyon niya, e, ayaw na ayaw niya sa tubig!

“May nagpayo raw kasi sa kanya na nakapagpapababa ng tama ang paliligo! Kapag daw nasayaran na ng tubig ang katawan ng gumagamit, biglang baba ang tama niya, kaya maghahanap na naman siya!

“Kapag ganu’n ang kundisyon niya, e, alam na alam ng family niya at ng GF niya. Paano, binabaklas niya ang mga bisikleta nila, kinakalag-kalas niya, saka ibabalik uli niya!

“Kapag bagsak naman ang tama niya, e, tulog lang siya nang tulog, ayaw niya na halos bumangon, lalong ayaw niyang maligo! Kahit gusgusin na ang itsura niya, e, talagang ayaw niyang maligo!” kuwento uli ng aming source.

Mabuti na lang at nagbago na ang male personality, nauntog din siya sa katotohanan na walang mangyayari sa buhay at career niya kapag hindi pa siya tumigil sa kasisinghot, sayang na sayang ang mga talentong meron siya.

Huling sultada ng aming source, “Lumutang na uli ang kaguwapuhan niya, malinis na siyang tingnan ngayon, hindi tulad nu’n na para siyang ewan!

“At marami na siyang nagiging trabaho, magaling naman kasi talaga siyang umarte, professional na rin siya ngayon. Mabuti na lang!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Teresa, nagsalita sa totoong relasyon nina Diego at Barbie

Tumawag sa amin si Teresa Loyzaga mula sa Perth, Australia. Tuwing natatapos ang kanyang trabaho dito ay humahanap talaga siya ng panahong makapagbiyahe para asikasuhin ang kanyang bahay sa Perth.

Wala nang nakatira du’n, nandito sa Pilipinas ang dalawa niyang anak na sina Sepi at Diego, kapag matagal ang pananatili niya dito ay nakasarado lang ang kanyang bahay.

One thousand square meters ang sukat ng kanyang bakuran sa Perth, napakalawak, kaya tinaniman ‘yun ni Tong ng mga punong-kahoy na katulad ng malaki nilang lote sa Antipolo.

Two thousand square meters naman ang lote nila sa Golden Hills, Antipolo kung saan sila lumaking magkakapatid. May mga bumibili na ng kanilang property, tatayuan daw ng mall, pero hindi ‘yun ibinebenta ng magkakapatid na Loyzaga.

Pinag-usapan din namin ang kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon nina Diego at Barbie Imperial, ang self-proclaimed influencer-Maritess ang nagpalaki ng sunog, kaibigan daw kasi ni AJ Raval ang taong ‘yun na puro kuryente naman ang mga ikinukuwento.

Apektado ang relasyon nina Diego at Barbie, nagkakaroon sila ng mga pagtatalo, ayaw na ayaw ni Teresa ang ganu’n. Suportado niya ang relasyon ng dalawa kaya galit na galit siya na may umeeksenang kung sino na nagpapalala sa mga kuwento.

Plano pa naman nilang magbakasyon nang magkakasama sa Perth kapag libre sila nina Diego at Barbie sa trabaho pero may nanggugulo sa kanilang relasyon.

Kapag si Teresa Loyzaga na ang nagsalita ay siguradong matataraugan ang pekeng influencer na ito. Ewan kung saan ito dadamputin kapag nagbigay na ng opisyal na pahayag si Teresa bilang depensa kina Diego at Barbie.

Gusto kayang makilala ng scammer na ‘yun kung gaano kamarespeto si Teresa Loyzaga pero puwedeng maging halimaw sa tapang kapag anak na niya ang iginagawa ng mga pekeng kuwento?

vuukle comment

WATER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with