Babae itinumba ng tandem sa Rizal
MANILA, Philippines — Patay ang isang babae nang barilin sa noo ng dalawang hindi kilalang lalaki habang naglalakad sa isang eskinita sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Antipolo District Hospital ang biktimang nakilalang si Maricar Turla, ng Brgy. San Isidro, Antipolo City habang nakatakas at tinutugis na ng mga otoridad ang dalawang di kilalang lalaki na may kagagawan ng krimen.
Lumilitaw sa inisyal na ulat ng Antipolo City Police na dakong alas-8:10 ng gabi nang maganap ang krimen sa isang eskinita malapit sa basketball court sa Sitio Tanglaw, Brgy. San Isidro.
Kasalukuyan umanong naglalakad sa lugar ang biktima nang lapitan ng dalawang suspek at walang sabi-sabing binaril sa noo.
Nang matiyak na napuruhan ang biktima, kasuwal lamang na naglakad palayo sa lugar ang mga suspek, bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Kaagad na isinugod ng mga testigo ang biktima sa ospital ngunit patay na ito nang idating doon.
Hinala naman ng mga pulis, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen ngunit iniimbestigahan pa nila ang insidente.
- Latest