Rebeldeng NPA, sumuko sa pulisya
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Isang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na may bitbit na pistola at granada ang sumuko sa pamahalaan noong Enero 14.
Ayon kay P/Col. Jess Mendez, acting provincial director ng Nueva Ecija Police, ang sumukong communist terrorist group member na isang 38-anyos na lalaki, binata, tubong Agusan del Norte at taga-Bongabon, NE, ay sumuko sa 1st Provincial Mobile Force Company (1st PMFC) ng Nueva Ecija Police.
Nagsuko rin ang rebelde ng kanyang shooter pistol 9mm na may pitong bala at isang fragmentation hand grenade.
Ayon kay P/Lt. Col. Robert Agustin, hepe ng 1st PMFC, ang sumuko ay miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla-Sierra Madre (KLG-SM) sa ilalim ng Nicomedes Ortis command. Dati niyang pinatira sa kanyang bahay ang isang “Kumander Dagohoy” na isang SPARU unit leader at finance officer ng KLG-SM, bago ito nahuli ng 84th IB ng Philippine Army noong Agosto 4, 2020 sa Barangay San Alejandro, Quezon, NE.
Isiniwalat din ng surrenderee na may personal umano siyang alam sa mga itinagong mga pampasabog, armas at food cache sa bulubunduking bahagi ng Barangay Malbang sa Pantabangan ng nasabing lalawigan.
- Latest