DSWD, arangkada pa rin sa relief ops sa Odette victims
MANILA, Philippines — Patuloy ang isinagawang relief operations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Field Office (FO)-VII nito katuwang ang public at private organizations para sa mga nasalanta ng bagyong Odette sa Central Visayas.
Nabatid na nagtulungan ang mga staff ng DSWD-FOVII staff at volunteers mula sa iba’t ibang organisasyon sa repacking ng Family Food Packs (FFPs) at iba pang relief goods habang ang iba ay umalalay sa pagpapalabas, pagkakarga at pag-eskort ng mga relief items sa iba’t ibang transportation channels patungo sa target na lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Upang mapagaan ang distribusyon ng FFPs sa remote areas, pinagamit din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang black hawk choppers, habang ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy, at Philippine Marines ay nag-deploy ng kanilang mga barko at marine patrol boats para sa mga biktima na nasa island barangays.
Naging katuwang din ng DSWD sa relief assistance ang mga private sector partners nito na kinabibilangan ng Maayo Shipping, Matiao Trucking, at Cebu Oversea Hardware Co., Inc., sa pamamagitan ng Cebu Contractors Association, gamit ang kanilang mga wing vans para sa point-to-point delivery at hauling services ng mga raw materials.
Noong Enero 5, naglaan ang DSWD ng P287 miyong halaga ng relief assistance para sa mga typhoon-hit families. Dito, nasa P94 milyong halaga ng “food and non-food items” ang naiambag ng DSWD FO VII na naipamahagi sa mga lokalidad na naapektuhan ng bagyo.
- Latest