Konsehal sa Sarrat, Ilocos Norte itinumba
MANILA, Philippines — Pinagbabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang municipal councilor sa Sarrat, Ilocos Norte kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si Sangguniang Bayan member Apolonio Medrano, 69-anyos.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo ang biktima sa kanyang sasakyan matapos na dumalo ng flag ceremony dakong alas -7:30 ng umaga nang biglang dumating ang suspek sakay ng motorsiklo at walang sabi-sabing pinaputukan sa katawan ang biktima.
Agad namang nagpasa ng resolution ng pakikiramay ang Philippine Councilors League ng Ilocos Norte hinggil sa sinapit ng konsehal.
Kilala rin si Medrano bilang dating pulis sa lalawigan at nagsilbi bilang intelligence officer ng mahabang panahon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Sarrat Municipal Police upang matukoy ang salarin at ang motibo sa krimen.
- Latest