Bulacan vaccination binisita ni Galvez
MALOLOS CITY , Philippines — Binisita ni National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang isinasagawang “Bayanihan Bakunahan” sa Bulacan.
Ito ay bahagi ng 3-day National Vaccination mula Nobyembre 29 na nagtapos kahapon, Disyembre 1.
Dito ay iniulat ni Gov. Daniel Fernando sa kalihim na nasa 62,280 ang nabakunahan sa unang araw sa 98 vaccination sites sa buong lalawigan. Ang nasabing bilang ay dumagdag sa 2,675,067 milyong Bulakenyo na nababakunahan na.
Sa naturang kabuuang bilang, nasa 1,506,821 milyong Bulakenyo ang nakakuha ng unang dose habang nasa 1,168,246 milyon ang fully vaccinated.
Sa kasalukuyan, nasa 3,316, 486 milyong doses ang naibaba na ng Department of Health sa lalawigan mula noong Marso 2021.
Ayon kay Galvez, masasabi nang tagumpay ang tatlong araw na Bayanihan Bakunahan sa buong bansa dahil sa mataas na turn-out ng mga karaniwang mamamayan na nais magpabakuna.
Inabisuhan din ni Galvez ang mga pamahalaang lokal na maghikayat ng mas marami pang mga volunteers at magtayo pa ng karagdagang vaccination sites.
Ito’y bilang paghahanda para sa nakatakdang Round 2 ng Bayanihan Bakunahan sa Disyembre 15 hanggang 17.
- Latest