Dating pinagkutaan ng NPA, nadiskubre ng otoridad
GAPAN CITY, Nueva Ecija , Philippines — Isang lugar na dati umanong pinagkutaan ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang natuklasan ng pulisya sa may Sitio 21, Barangay Macabaclay, dito, noong Linggo ng hapon.
Ayon kay P/Lt. Col. Alexie Desamito, hepe ng Gapan City Police, ang nasabing kampo na dating tinirhan ng mga rebelde ay base umano sa impormasyong isiniwalat ng dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Nabatid na ala-1:00 ng hapon, tinungo ang lugar ng sanib-puwersa ng Gapan City Police, Regional Mobile Force Battalion, 1st Provincial Mobile Force Company ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), 22nd SAC SAF, at ng 84th IB ng 7th Infantry Division ng Philippine Army.
Doon ay may natagpuan ang otoridad na supply cache ng mga rebelde at mga sangkap umano sa pampasabog.
Kabilang sa mga ito ay 25 litro ng bigas; 2 piraso ng 9 volts na baterya; 10-piraso ng non-electric blasting cap; 4-piraso ng electric blasting cap; 1 time fuse 10 inches (commercial); 2 toggle switch; 6-pirasong resistor; 2-pirasong crocodile clip; 1 ctg. 60MM without fuze; 1 Booster; 2 pvc pipe improvised land mine na 24.5cm/17cm at 20cm/11cm; at 2 plastic suspected explosive ingredient.
Dinala ang mga narekober na explosive devices at paraphernalia sa Nueva Ecija PECU para sa proper disposal nito.
- Latest