4 preso todas sa bigong jailbreak
MANILA, Philippines — Apat na preso na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang patay, habang sugatan ang isang jailguard nang magsagupa matapos ang tangkang jailbreak kahapon sa Liangga Jail District sa Surigao del Sur.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesman Chief Insp. Xavier Solda, ang mga nasawing Person Deprived of Liberty ay hinihinalang miyembro ng communist terrorist group na NPA na nagawang makumbinsi ang iba pa (PDLs) upang isagawa ang nasabing pagtakas.
Nabatid na naganap ang shootout dakong alas-7:00 ng umaga kahapon nang atakihin ng 11 preso ang mga jailguards na nagbukas ng gate para sa ihahandang almusal.
Sinabi ni Solda na na-overpower ng 11 nagtangkang tumakas ang naka-duty na jailguard kaya nakalapit sa second gate. Nagwarning shot ang duty jailguard subalit sinugod din ng mga preso.
Agad namang rumesponde ang iba pang duty personnel na nagresulta sa palitan ng putok hanggang sa bumulagta ang apat habang sugatan ang isang jailguard dahil sa tinamong saksak.
“Magbabantay pa rin kami ng mabuti sa aming pasilidad at magsisilbi kami sa ating mga PDL sa abot ng aming makakaya upang matulungan natin sila sa kanilang pagbabagong buhay,” dagdag pa ni Solda.
- Latest