P13.6 shabu narekober sa buy-bust ops sa Sulu
MANILA, Philippines — Umaabot sa P13.6 milyon ang halaga ng shabu na nakumpiska nang pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Buanza, Indanan, Sulu.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, naaresto sa ikinasang operasyon ang umano’y drug dealer na si Yahiya Kadjuri na ngayon ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002. Patuloy naman ang pursuit operation laban sa dalawa pang nakatakas na kasama ni Kadjuri na sina Nurdalyn Sang at Tua Putol.
Nabatid na nagsagawa ng surveillance ang mga otoridad hinggil sa drug operation ng mga suspek sa lugar bunsod ng mga intelligence report.
Dito na ikinasa ng mga otoridad ang anti-drug operation dakong ala-1:00 ng hapon noong Martes sa Barangay Buansa, Indanan, Sulu.
Nakuha sa mga suspek ang 2 kg. ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon, 20 bundles ng boodle money na P1,000 at marked money na P1,000.
Apela ni Eleazar, sa publiko agad na ipagbigay-alam sa PNP ang mga kahina-hinala sa kanilang komunidad. Ibeberipika nila ito bago isagawa ang operasyon.
- Latest