P192.9 milyong marijuana nasamsam sa Kalinga
MANILA, Philippines — Umiskor ang pinagsanib na elemento ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency makaraang masamsam ang P192.9 milyong halaga ng marijuana sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Kalinga nitong Huwebes at Biyernes.
Sa report na tinanggap ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar mula kay Cordillera Police Director P/Brig. Gen. Ronald Lee, sinalakay ng mga operatiba ang 18 plantasyon ng marijuana na sumasaklaw sa 7.1 hektarya sa Mt. Chumancil, Brgy. Loccong at Sitio Ballay, Brgy. Tulgao; pawang sa bayan ng Tinglayan ng naturang probinsya.
Ayon kay Lee ikinasa ang operasyon matapos na makatanggap ang mga operatiba ng impormasyon hinggil sa ilegal na taniman ng marijuana sa liblib na lugar sa Tinglayan.
Nakumpiska ang nasa 795,000 mga puno ng marijuana, 52.2 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana at stalks, 14 bote ng Cannabis oil, mga binhi at mga bagong sibol na marijuana.
Aabot sa P192.9-M ang halaga ng marijuana at mga binhi nito ang nakumpiska sa lugar.
“The raiding teams destroyed and burned the uprooted Marijuana plants on site. Investigation is underway to identify the owners and maintainers of these property,” ang sabi pa ni Lee.
- Latest