TNT Tropang Giga Grand Champion sa PBA 3x3 Third Conference
MANILA, Philippines — Isinalpak ni Gryann Mendoza ang game-winning two-pointer sa overtime para talunin ang Purefoods TJ Titans, 21-19, at pagharian ang Grand Finals ng PBA 3x3 Third Conference kahapon sa Robinsons Place Manila sa Ermita.
Ibinulsa nina Mendoza, Almond Vosotros, Samboy de Leon at Lervin Flores ng Tropang Giga, naghari rin sa first, third at fourth legs ng torneo, ang premyong P750,000.
Nakuntento naman sina Joseph Eriobu, Jed Mendoza, Jun Bonsubre at Marvin Hayes ng TJ Titans sa P250,000 bilang runner-up.
Bumangon ang TNT mula sa 13-18 pagkakaiwan ng Purefoods sa huling 1:47 minuto para makatabla sa 19-19 mula sa dalawang free throws ni De Leon sa natitirang 32.9 segundo.
Bigo ang dalawang koponan na maipasok ang two-pointer patungo sa extra period.
Natanggap ni Mendoza ang pasa ni Vosotros at ipinasok ang game-winning stepback shot.
Samantala, inangkin ng Sista Super Sealers ang third place trophy at premyong P100,000, matapos takasan ang San Miguel, 21-20.
- Latest