Black hataw sa Meralco
MANILA, Philippines — Mula umpisa hanggang sa katapusan ay kinontrol ng Meralco ang laro.
Kumolekta si guard Aaron Black ng 20 points, 7 assists at 5 rebounds para pamunuan ang Bolts sa 97-87 pagkuryente sa NorthPort Batang Pier sa PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagdagdag sina Allein Maliksi at Chris Banchero ng tig-16 markers habang may 11 points si Reynel Hugnatan para sa pagsosyo ng Meralco sa Barangay Ginebra sa second place bitbit ang 3-1 baraha.
“We just want to bounce back from our loss to Talk ‘N Text,” ani coach Norman Black sa kanilang 71-78 kabiguan sa nagdedepensang TNT Tropang Giga noong Sabado. “I thought we played pretty good defense but our offense was really off.”
Humakot si Jamie Malonzo ng 21 points, 8 rebounds, 5 assists at 2 blocks para sa ikatlong dikit na kamalasan ng NorthPort makaraan ang 2-0 panimula.
Matapos ilista ang 32-22 bentahe sa first quarter ay humarurot ang Bolts sa third period para itayo ang 26-point lead, 66-40, mula sa floater ni Hugnatan sa 8:37 minuto nito.
Ipinoste nila ang pinakamalaking kalamangan sa 27 puntos, 88-61, galing sa basket ni center Noy Baclao sa 9:37 minuto ng fourth canto.
Bumangon naman ang Batang Pier sa inilunsad na 19-4 atake para makalapit sa 80-92 agwat tampok ang slam dunk ni Malonzo sa 4:09 minuto ng bakbakan.
Tuluyan nang sinelyuhan ni Black ang panalo ng Meralco matapos isalpak ang isang three-point shot at putback para muling makalayo sa 97-80 sa huling 2:09 minuto.
Nag-ambag si Robert Bolick ng 15 points at 7 assists para sa NorthPort.
- Latest