Reyes inako ang responsibilidad
MANILA, Philippines — Aminado si Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes na walang ibang dapat sisihin kundi sang sarili nito.
Nagulantang ang buong sambayanan matapos lumasap ang Gilas Pilipinas ng 81-85 kabiguan sa Indonesia sa 31st Southeast Asian Games upang matuldukan ang mahigit tatlong dekadang dominasyon ng Pilipinas sa men’s basketball tournament ng biennial meet.
Dahil dito, nagkasya lamang sa pilak ang Gilas Pilipinas.
“Obviously that’s on me. I take full accountability and responsibility for the result. Like I said, they tried their best and that’s sports. That’s life. Sometimes, things don’t work out the way we played,” ani Reyes.
Ipinagmalaki ni Reyes na ibinuhos ng Gilas Pilipinas ang lahat para mapanatili ang korona.
Subalit malakas na puwersa ang pinakawalan ng Indonesia para pigilan ang dominasyon ng Pinoy cagers sa SEA Games.
Napag-aralan ng husto ng Indonesia ang lahat kaya’t isang solidong game plan ang ginamit nito laban sa Gilas Pilipinas.
“Our players played their best. Indonesia came with a very good game plan. They shot well from the three-point line. In the end, we just couldn’t match it,” ani Reyes.
Base sa stats, nakapagtala lamang ang Pilipinas ng tatlong three pointers mula sa 16 attempts nito habang matikas na 13-of-31 ang nairehistro ng Indonesia sa three-point range.
Nagulat din ang Pinoy squad sa ipinamalas ni Indonesian center Marques Bolden na nakalikom ng kabuuang 18 puntos.
Kapos ang Gilas Pilipinas sa kampanya nito subalit proud pa rin si Reyes sa ipinamalas ng kanyang bataan.
- Latest