Booker iginiya ang Suns vs Jazz
SALT LAKE CITY - Itinuloy ng mainit na Phoenix Suns ang kanilang arangkada sa walo matapos silaban ang Utah Jazz, 105-97, para patuloy na pamunuan ang NBA at ang Western Conference.
Kumamada si Devin Booker ng 43 points bukod sa kanyang career-high na 12 rebounds para banderahan ang Suns (38-9).
Humataw si Booker sa first hanggang third quarter habang hinugot ni Chris Paul ang 15 sa kanyang 21 points sa fourth period para ilaglag ang Jazz (30-19) sa ikatlong dikit na kamalasan at manatili sa No. 3 spot sa West.
Kumolekta si big man Bismack Biyombo ng 12 points, 6 rebounds at 3 blocks para sa Phoenix.
Humugot naman si Fil-Am Jordan Clarkson ng 16 sa kanyang team-high 26 points sa final canto para banderahan ang Utah na naglaro na wala sina injured starters Donovan Mitchell (concussion) at Rudy Gobert (left calf strain).
Sa Cleveland, tumipa si Kevin Love ng 25 points at may 23 markers si Cedi Osman para sa 115-99 pagsapaw ng Cavaliers (30-19) sa nagdedepensang Milwaukee Bucks (30-20).
Sa Miami, kumonekta si Duncan Robinson ng 25 points tampok ang pitong triples sa 110-96 pagsunog ng Heat (31-17) sa New York Knicks (23-26) para pamunuan ang East.
Sa Chicago, umiskor si DeMar DeRozan ng 29 points at nag-ambag ng 23 markers si Zach LaVine sa 111-105 pagdaig ng Bulls (30-17) sa Toronto Raptors (23-23).
- Latest