MGR balik sa Tropang Giga
MANILA, Philippines — Magbabalik si Matt Ganuelas-Rosser sa kampo ng Talk ’N Text Tropang Giga — ang unang naging tahanan nito sapul nang pumasok ito sa PBA.
Pormal nang inanunsiyo ng Tropang Giga ang pagbabalik ni Ganuelas-Rosser sa kanilang tropa kaya’t excited na ang lahat na muli itong makasama sa training.
“We’d like to welcome Matt back to the team. Now it’s time to go to work #TropangGiga,” ayon sa post ng TNT sa kanilang social media account.
Galing si Ganuelas-Rosser sa Terrafirma.
Nang matapos ang kontrata nito sa Dyip, tinanggihan ni Ganuelas-Rosser ang dalawang taong contract extension na inalok ng management.
Sinubukan ni Ganuelas-Rosser ang free agency.
At naging matagumpay naman ito dahil muli itong hinugot ng Tropang Giga.
Matatandaang ang Tropang Giga ang humugot kay Ganuelas-Rosser noong 2014 PBA Annual Rookie Draft.
Sa kanyang rookie year, agad na natikman ni Ganuelas-Rosser ang kampeonato kasama ang TNT na naghari sa Commissioner’s Cup.
Isa lamang si Ganuelas-Rosser sa mga bagong dagdag sa lineup ng Tropang Giga.
Kinuha rin ng TNT si Rey Mark Acuno mula sa free agency.
Excited na si Ganuelas-Rosser sa pagbabalik nito sa Tropang Giga.
- Latest