Marcial, Jimuel nagsama sa training
MANILA, Philippines — Nasa Amerika na si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial upang ipagpatuloy ang pagsasanay doon at paghandaan ang kanyang second fight sa professional level.
At sa kanyang unang pagsalang sa training, walang iba kundi si Jimuel Pacquiao — panganay na anak ni eight-division world champion Manny Pacquiao — ang naging nakasabay nito.
Ilang linggo nang nasa Amerika si Jimuel upang magsanay para rin sa kanyang mga susunod na laban.
Nagpost pa ng larawan si Marcial kasama si Jimuel sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
“Back to wildcard bo-xing gym with these talented Filipino fighters and coaches. Mabuhay,” ani Marcial.
Ikinakasa na ang second pro fight ni Marcial na posibleng maganap sa Marso o Abril.
Unang sumalang sa pro fight si Marcial noong Disyembre 2020 kung saan naitala nito ang unanimous decision win laban kay American Andrew Whitfield.
Maliban sa pro fight, naghahanda rin si Marcial para sa 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Mayo sa Hanoi, Vietnam.
Puntirya ni Marcial na makuha ang ikaapat na sunod na gintong medalya sa biennial meet matapos pagharian ang 2015 Singapore, 2017 Malaysia at 2019 Manila edisyon ng SEA Games.
- Latest