PSC magiging mahigpit sa protocols sa bubble training ng mga national athletes
MANILA, Philippines — Sakaling maplantsa ang gagamiting health and safety protocols para sa bubble training ng mga national athletes ay magiging istrikto ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagpapatupad nito.
Sasailalim ang mga atleta sa regular na RT-PCR tests bago sila pumasok sa mga pasilidad ng PSC sa Metro Manila at Pasig City bukod sa 14-day quarantine period.
Nilinaw ng sports agency na ilang national teams lamang ang ipapasok nila sa bubble training sa kanilang mga pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Metro Manila at sa PhilSports Complex sa Pasig City.
Paghahandaan ng mga atleta ang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo at ang 19th Asian Games sa Setyembre sa Hangzhou, China.
Naudlot ang pagbubukas ng PSC sa kanilang mga training venues para sa mga atleta nang isailalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 3 ang Metro Manila at karatig probinsya simula noong Enero 3.
Ito ay dahil sa pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sanhi ng Omicron variant.
Ipinagbabawal sa Alert Level 3 ang mga contact sports, ngunit pinapayagan ang mga national teams at professional squads na pumasok sa bubble training.
- Latest